
Noong bata ako pakiwari ko'y angbagal-bagal niya. Madalas ko siyang inaabangan at parang angtagal bago siya makarating. Tuwing sa pagsapit ng ang aking kaarawan, pagsapit ng pasko, kapag mag-school break o bakasyon, at pagsapit ng pasukan siya lamang ang lagi kong inaabangan.
Ngunit ngayong ako'y ganap na mama
(ginoo) na, pakiwari ko'y bumibilis na siya. Madalas halos bawat araw ay pinipilit ko siyang masabayan. Ngunit kahit anong bilis kong kumilos, mahirap siyang habulin at tunay ngang ramdam ko ang kanyang biglang pagtulin. Matagal pa naman bago ako maging Senior Citizen, Pero pag inabot ko ang edad na yun, ano na kaya ang eksena namin? Hihintayin ko kaya siya ulit o patuloy ko siyang pilit na hahabulin.
Ang oras... mahirap hintayin at mahirap habulin. Maaaring maalala pero hindi na maaaring balikan. Puwedeng sabayan pero hindi pwedeng maunahan.
Subalit habang sinusulat ko ang post na ito, bahagyang napatingin ako sa relong nakasabit sa ding-ding. Pinagmasdan at inobserbahan ko ito ng mga limang segundo. Napagtanto ko na hindi nagbabago ang bilis ng pagkilos at pagtakbo ng kanyang mga kamay, kung gaano siya kabilis noon ganun pa rin pala ang bilis niya hanggang ngayon. Sa sandaling iyon, naunawaan kong hindi siya ang bumibilis o bumabagal. Ang takbo ng buhay, ito pala ang nagbabago. Para itong isang sasakyan, sa umpisa primera, segunda lamang ang takbo sa kalagitnaan maaring siyento bente ang harurot nito, pagdaka'y dadating ang panahon na kaylangan nitong huminto.
May narinig akong kasabihan sa wikang ingles:
Life is like a roll of a toilet paper, the closer it gets to the end, the faster it goes...